top of page

Chapter 11: Mananatili sa Puso (FINALE)

  • Writer: Ryan Time01
    Ryan Time01
  • Jan 28, 2021
  • 17 min read


Kinagabihan ay bumalik ako sa bahay nila Jake.

Nabanggit ni Tita na hindi pa naghahapunan si Jake, kaya ako na nagrepresenta na magdala ng pagkain niya sa kwarto.

Pagkabukas ko ng pinto, naabutan ko siyang mahimbing pa ring natutulog. Marahan kong isinara ang pinto at nagtungo sa katabing study table upang ilapag ang pagkain at tubig niya.

Nagdadalawang isip akong gisingin siya kaya umupo muna ako sa upuan na katabi lang din ng kama niya.


Pinagmasdan ko ang mukha niya.


Naglaro sa isipan ko ang mga alala niya. Yung pakikipagbasag-ulo niya. Kung gaano siya ka agresibo kapag may kaaway siya. Kung gaano niya ako ipagtanggol kapag nililibak ako ng iba.

Handa siyang makipagpatayan para sa akin.

Bumigat ang loob ko nang isiping wala akong nagawa para ipagtanggol siya sa kung sino mang gumawa sa kaniya nito. Na kung tutuusin kaya ko ring sumalo ng bala para sa kanya.

'Mahal na mahal kita Jake..... sorry, lagi akong wala sa tabi mo sa tuwing kailangan mo ako..' bulong ng isip ko.

Dahil sa mga isipin na yun, hindi ko na naman mapigilang tumulo ang luha ko.

Dahan-dahang dumilat ang mata niya. Kaya agad kong pinawi ang luha ko. Sinalubong ko siya ng ngiti.

Nakita kong nabigla siya sa presensya ko. Pero mayamaya ay napalitan ito ng tuwa. Hindi man ganun kalawak ang ngiti niya, pero sa ningning ng mga mata niya alam kong masayang-masaya siya.

Ang mga luhang pinunasan ko ay nais muling mag-umapaw. Ngunit bago pa man nangyari yun. Lumapit na ako at yumakap sa kanya. Ipinatong ko ang mukha ko sa dibdib niya sa pwestong hindi niya ako nakikitang lumuluha.

Hinimas niya ang likod ko at ang isang palad niya ay humihimas sa ulo ko. Gustuhin niya mang gumanti ng yakap ay hindi niya magawa, dahil may iniinda siyang sakit.

Mag-iisang minuto akong nagmukmok sa dibdib niya. Saka siya nagsalita.

"Buhay pa ako, pero umiiyak ka na diyan." biro niya.

"Hindi ba pwedeng nag-alala lang?" Sagot ko sa tonong halatang umiiyak. Hindi pa rin ako nakaharap sa kanya.

Saka ko pasimpleng pinunasan luha ko at tuluyang humarap sa kanya. Pinilit kong ngumiti.

"Kamusta biyahe mo?" Pilit niyang pagsisimula ng usapan sa mahinang boses. Nahihimigan ko ang iniinda niyang sakit sa tuwing nagsasalita siya.

"Okay lang..... 'wag ka munang magsalita kung di mo pa kaya." Saka ko inabot ang pagkain na nasa mesa. Sumalok gamit ang kutsara.

"Eto, kumain ka na muna."

Ngiti lang ang tugon niya.

Saka ko siya dahan-dahang sinubuan na marahan niya namang nginuya. Pagkakuwa'y biglang...

"Sweet naman ng boyfriend ko." Biro niyang nakangiti.

Nabigla ako sa narinig. Kaya napakunot ang noo ko at tiningnan siya ng masama.

"Oi, ano?!... magtigil ka nga!.. Boyfriend ka diyan.... marinig ka pa ng mama mo.. mayayari ka... di ka ba nabibigla sa sinasabi mo?" Panenermon ko.

Nakakabigla din naman talaga ang sinabi niya. First time kong marinig na manggaling sa kanya ang salitang yan at hindi ko rin inaasahan na magbibiro siya ng ganun. Di ko nga alam kung kinilig ako o kinilabutan. Hindi naman sa ayaw ko, marahil hindi lang ako sanay. Mas sanay akong kuya tawag niya sakin. Sapat na sa akin yung alam namin nararamdaman sa isa't isa.

"Nabigla din ako eh.. ang awkward pala." Sinabayan ng mahinang tawa na nagpaaray sa kanya at marahan niyang hinawakan ang sugat niya sa tagiliran.

"Kita mo yan..!" Pailing-iling akong natawa.

"Isubo mo nalang to." Tukoy ko sa kutsarang may lamang pagkain.

"Ang alin kuya?.." muli siyang tumawa na may kasamang pag-aray.

Na-realized ko ang salitang nasabi ko na "isubo mo nalang to". Ginawan niya pala ng bastos na kahulugan

"Ay! Ga..go!" Natatawa kong pagmura sa kanya. Sabay salpak ng kutsara sa bibig niya.

Muli na naman siyang natawa at naging sanhi ng pagkasamid niya. Nagtalsikan tuloy ang mga kinain niya. Sa pagkakataong ito salitan ang pagtawa at malakas na pag-aaray ang lumalabas sa bibig niya.

Natatawa man ay dalidali kong inabot ang basong may tubig sa bibig niya. Kaagad niya itong ininom.

"Tsk tsk! Sige pa! Magpatawa ka pa!." Pailing-iling akong napangiti.

Patuloy ko lang siyang sinubuan hanggang halos maubos na ang pagkain niya.

Hinintay ko lang maubos ang nginunguya niya para maisubo ko sa kanya ang huling pagkain na nasa kutsara. Nang bigla siyang nangseryoso at tinitigan ako na ipinagtaka ko.

"Oh.. Bakit?" Tanong ng pagtataka habang tinitigan ang seryoso niyang mukha.

Maya-maya ay ngumiti siya. Na mas lalo kong ipinagtaka.

"Okay ka lang ba?" Tanong kong naguguluhan sa asta niya.

Umiwas siya ng tingin pero nakangiti parin.

"Bakit nga?" Ulit ko.

"Uhmm.. wala naman.. masaya lang ako." Nakangiti parin siya ngunit hindi nakatingin sakin.

Napangiti nalang din akong tinitigan siya. Nakaramdam ako ng sobrang saya sa sinabi niya. Alam ko kung anong ibig niyang sabihin. Masaya siya at nasa tabi niya ako. Nakakailang parin yung ganitong pakiramdam, pero napaka fulfilling.

"Miss kita." Patuloy siyang nakangiti na hindi parin tumitingin. Tipid ngunit ubod ng tamis na salita.

Pakiramdam ko noon, isa akong teenager. Feeling ko nga nagba-blush ang mukha ko dahil nag-iinit ito. Sa kagustuhan kong itago ang ngiti na yun ay yumuko ako.

"Oh.. ngiting-ngiti ka diyan ah." Pang-aalaska niya.

Nakatingin na pala siya sakin.

Kunwari ay hindi ko pinansin ang sinabi niya. Natatameme ako. Kaya binaling ko nalang ang tingin sa kutsara at muling sinubo sa kanya.

"Oh.. kainin mo na yan. Dami mong sinasabi." Naiilang ngunit nakangiti kong sabi.

Nakarehistro sa mukha niya ang saya kahit na ngumunguya siya.

Matapos niyang kumain ay pinainom ko siya ng gamot. Tapos hinatid ko na sa kusina ang pinagkainan niya.

Napag desisyunan kong sa kwarto nalang niya matulog.

Natuwa naman siya sa desisyon ko.

Single size lang ang kama niya kaya sabi ko sa lapag na ako matutulog.

"Dito ka na kuya. Kasya naman tayo dito. Aayos nalang ako ng higa." Saka dahan-dahan siyang pumuwesto para magbigay ng espasyong mahihigaan ko.

"Sigurado ka?.. alam mo namang malikot akong matulog. Baka magalaw ko mga sugat mo." Pag-aalala kong tanong.

Tumango lang siya at tinapik-tapik ang espasyong nilaan niya.

Ngumiti ako. Gusto ko rin naman siyang makatabi.

Pareho na kaming nakatihaya sa mediyo masikip na kama. Hindi niya pa kasi kayang tumagilid ng higa dahil sa mga sugat niya.

Nagkamustahan kami. Kwentuhan ngunit iniwasan ko munang itanong sa kanya kung ano talaga ang nangyari sa kanya. May araw din para sa tanong kong yan.

Hanggang sa maya-maya ay nakaramdam na din ako ng antok. Saka nagpaalam sa kanya na matutulog na ako.

Pumihit ako paharap sa kanya at marahang yumakap. Iniwasan kong masagi ang sugat niya.

Napabuntong hininga ako sa kapanatagang naramdaman. Saka bumulong sa kanya.

"Miss din kita buboy.."

Hindi na siya sumagot pero ramdam kong nakangiti siya. Bilang ganti hinimas niya ng palad ang nakapulupot kong kamay sa katawan niya.

"Goodnight." Ika niya.

"Goodnight din." Mangitingiti kong sagot.

"I love you" dugtong ko.

"I love you more"

Lahat ng pangamba ko ay naglaho. Wala pa ding sing sarap ang pakiramdam na makasama mo ang mahal mo.


Nakatulog akong may ngiti sa labi.


---

Nakabalik na ako sa abroad.

Bago ako umalis, sinigurado ko munang okay si Jake. Humiling pa siya kung pwede ba raw na mag stay muna ako. Ngunit hindi napagbigyan dahil may trabaho akong kelangang balikan sa abroad.

Hindi pa siya tuluyang magaling noong umalis ako. Pero alam ko namang makakarecover din siya sa tamang panahon.

Napag-alaman ko, na ang dahilan ng nangyari sa kanya ay binalikan siya ng supplier niya noon ng marijuana dahil sa unfinished business (di ko nalang babanggitin, mediyo malawak ito at sensitive. Kung iniisip niyong bumalik siya sa bisyo, hindi na. Hindi na siya kailanman bumalik pa sa bisyo at nakakasiguro ako diyan)

Tiniyak niya rin sa akin na hindi na siya babalikan ng mga adik na'yon.

Pinangaralan ko siya bilang isang kuya.

---

Dalawang buwan ang mabilis na lumipas.

Magkachat kami ni Jake noon gamit ang mobile phone. Habang nakahiga ako sa kama ko.

"Kuya"

"Yow!" Nakangiti akong nagreply sa kanya.

"May sasabihin ako sayo"

"Ano yun?"

Matagal bago siya nagreply. Nakikita kong typing tapos maya-maya ay nawawala.

"Pwede ba tayo mag videocall?" Tanong niya.

Mukhang mahalaga ang sasabihin niya.

"Ah, paubos na kasi yung data ko. Bukas pa ako makakapagload. Baka maputol. Sabihin mo nalang dito sa chat. Mababasa ko naman."

"Kuya"

"Oh?" Nagtataka kong tanong.

" ='( " tanging reply niya.

"Ayos ka lang ba?" Nag-aalala kong tanong.

"I'm sorry ='( "

"Bakit ka nagsosorry?" Medyo kinabahan na ako.

Typing.... tapos mawawala. Typing.... mawawala.

Mediyo may katagalan siyang nagreply. Naisip ko baka naubusan na ako ng data. Kaya nag balance inquiry ako, may konti pa namang natira.

Saka nag pop-up ang message niya.

"Nakabuntis ako.='("

Natulala ako.

Dalawang salitang nakakawindang.

Mala unos ang emosyong naramdaman ko dahil sa dalawang salita na yan. Maraming katanungan ang naglaro sa isip ko. Kasabay ng pagtulo ng luha ko.

Alam ko namang dadating kami sa puntong yan, na magkakaroon kami ng asawa at anak. Hindi ko lang napaghandaan ang panahong yun. Hindi ko alam na mangyayare pala ng mas maaga yun. Wala siyang pasabi.

Hindi ako handa. Hindi ko makuhang sagutin ang chat niya.

"Kuya?" Huling message niya.

Ayoko munang malaman ang dahilan, kaya agad kong pinatay ang data ko upang hindi na ako makatanggap ng mensahe mula sa kanya.

Niyakap ko ang unan at isinubsob ang mukha ko. Nasalo ng unan ang lahat ng pighati at sakit na nararamdaman ko.

Ansakit.

Mistulang pinipiga at walang habas na tinusok-tusok ng karayom ang puso ko.

'Akala ko mahal niya ako...'

'Akala ko hindi niya ako sasaktan...'

Naglaro sa isipan ko ang masasayang alaala namin na mayamaya ay napalitan ng pait. Masagana at walang humpay ang pagtulo ng luha ko. Kung anong oras tumigil.. Hindi ko na alam.

Kinabukasan nagising akong mugto ang mga mata.

Tahimik akong nagtrabaho hanggang matapos ang buong araw.

Nag-iisip ng dapat gawin.

Kinagabihan ay naglakas loob akong balikang kausapin siya. Naka online siya.

Maraming messages na nagmula sa kanya noong binuksan ko ang messenger.

Nakasaad doon ang mga dahilan kung bakit nangyari yun. Ilang sorry din ang nabasa ko.

Bilang nakakatanda, tinatagan ko ang loob ko. Kailangan kong maging kuya sa kanya. Kailangan niya ng mapagkukwentuhan. Kailangan kong iparamdam sa kanya na mahalaga siya.

Kahit na ang totoo niyan ay halos hindi ako makahinga sa sakit.

"Sorry naubusan ako ng data kagabi...Ganun ba?.. anong plano mo? Kelangan mong panindigan yan. Ako ang unang magagalit kapag di mo ginawa yun. Alam mo naman ang feeling ng broken family diba?"

(As I've mentioned sa chapter 1, hiwalay ang parents niya)

Unang reply ko sa kanya, na may kasamang pagsisinungaling. Ayokong isipin niya na nasaktan niya ako. Ayokong dumagdag sa isipin niya. Madami na siyang pinagdaanang hirap. Kahit man lang sa pamamagitan ng pagtikis ng nararamdaman ko ay makatulong sa kanya.

Ang totoo niyan, lumuluha ako habang nagrereply sa kanya.

"Galit silang lahat sa akin. Alam ko ikaw din."

Hindi ko man nakikita ang mukha niya, alam kong nababagabag siya.

"Hindi ka pa kasi tapos mag-aral, pero nakabuntis ka na. Natural lang na magalit sila. Tutal nandiyan na yan. Panagutan mo nalang Jake. Nandito lang si kuya okay? :-) "

" ='( " sagot niya.

"Sorry kuya =(."

"Okay lang yan. W.I nga diba? :-)"

Pilit kong pinaramdam sa kanya na okay lang. Kahit ang totoo ay hindi ko alam kung paano ko ihahandle ang emosyon ko.

"Magtino ka na, Daddy ka na. Congrats BTW =)"

" ='( " tanging reply niya.

"Wag ka nang malungkot." Reply ko.

"Paano ka?" Sagot niya.

Masaganang dumaloy ang luha mula sa mga mata ko.

"Sus! Wag mo akong isipin. Ang isipin mo yung mag-ina mo. Okay lang ako Jake. Wag mo akong alalahanin. Mas nauna akong ipinanganak kesa sayo... hehehe."

Natapos ang usapan namin. Nagsisisi daw siya sa katangahang nagawa niya. Hindi niya naman daw mahal ang babae. Nagkataong ang babae ang lapit ng lapit sa kanya, lalo noong mga panahon nagpapagaling pa siya. Hanggang sa hindi niya na control ang sarili niya at nangyari ang nangyari.

Ilang beses din siyang humingi ng tawad sa akin. Maraming beses din akong nagkunwaring hindi apektado sa nangyari.

Dapat gawin niya ang tama at gawin ko rin ang nararapat.

'MAGING KUYA NIYA' ang katotohanang pilit kong pinanghahawakan dati. Ito naman talaga ang dapat kong gampanang papel sa buhay niya.

'Sabi ko naman sayo, walang patutunguhan yang nararamdaman mo sa kanya. Noon pa kita pinipigilan, mas sinunod mo ang puso mo eh.'

Sobrang sakit.

Ansakit-sakit. Kung kailan alam na namin pareho na mahal namin ang isa't isa, saka pa nangyari ito.

Kung ilang araw akong lumuha at ilang gabing hindi makatulog ng maayos.. hindi ko na rin alam.

'Bakit ba minahal kita ng ganito?!'

Mga katanungang tanging hikbi ko lang ang tumutugon.

Nag-isip ako ng diversion para tuluyan kong makalimutan ang nararamdaman ko kay Jake.

Oo, nag desisyon akong kalimutan ang nararamdaman ko sa kanya. Gawin ang tama at magsimula.

Hanggang sa dumating yung araw na kinamusta ko si Jona sa UAE. Masayang masaya siya dahil naalala ko pa siyang kamustahin. Kwentuhan, kulitan at madalas na videocall.

Special pa din ang tingin ko kay Jona. Naging magkaibigan ulit kami. Malaking bagay na lagi ko siyang nakakausap. Kahit papaano ay gumagaan ang pakiramdam ko at onti-onting nawawala sa isip ko si Jake.

Hanggang sa dumating kami sa biruan na susundan ko siya sa UAE at maghahanap ako ng work doon. Na hindi kalaunan ay naging totoo nga.

Hindi ko tinapos ang contract ko sa Qatar. Lumipat ako ng UAE upang magsimula ng panibagong buhay.

Kasama si Jona.

Naging kami ni Jona. Bukas palad niya akong tinanggap. Sa kanya ako tumuloy hanggang sa nakahanap ako ng bagong trabaho.

Naging masaya ang pagsasama namin. Hanggang sa dumating ang panahon na tuluyan ko ng nakalimutan ang sakit na naramdaman ko ng dahil kay Jake.

Madalang narin kaming nakakapag-usap ni Jake.

Nang masiguro kong hindi lang panakip-butas si Jona para sa akin. Niyaya ko siyang magpakasal.

Tama, minahal ko na siya ng tuluyan. Sa pagkakataon na yun, buong-buo kong inalay ang puso sa kanya ng walang pag-aalinlangan.

Maswerte ako at si Jona ang napangasawa ko. Wala na akong mahihiling pa.

---------

"Hello baby! Ganda-ganda mo naman! Kamukha mo Daddy mo! Kakagigil ka!" Mahinang kurot sa pisngi at nakangiti kong wika sa cute kong pamangkin.

Karga-karga siya ng daddy niya.

"Mag-Bless ka sa Ninong Rye mo dali."

Sumunod naman ang cute na bata. Saka tuluyan siyang ibinaba ng daddy niya upang makipaglaro sa ibang pamangkin namin.

"Play ka muna diyan baby, okay?" Wika ng daddy niya.

Nasa province kaming lahat. Family reunion. Matatanda na kasi ang lolo at lola ko kaya napag-usapang doon nalang kami mag reunion.

Kakarating lang din from UAE. Sadly di ko kasama si Jona dahil hindi kami magkasabay ng bakasyon.

"Ilang taon na ba si baby Rhianne?" Tanong ko kay Jake.

Masaya naming pinagmamasdang nakikipaglaro si baby Rhianne sa ibang pinsan niyang maliliit din.

"Tatlo na Kuya! Marami ka ng utang na gifts sa kanya." Tugon ni Jake na sinabayan ng tawa.

Nakipagtawanan na din ako.

"Oo nga!.. mamaya iaabot ko ang pasalubong ko sa kanya. Si ate Jona mo ang namili nun." Nakangiti kong sabi.

Dinako ko ang tingin sa kanya na nakatingin din pala sakin.

Pinag-aralan ko ang itsura niya. Nagmatured ngunit taglay pa rin ang kapogihan.

May konting kirot akong naramdaman. In three years time, akala ko tuluyan ko ng makakalimutan. Mali pala ako.

Pilit kong isinantabi ang naramdaman ko na yon. Ayokong makita niya yon sa mata ko.

"Kamusta ka na naman?...Tatay na tatay ka na ah!" Masaya kong wika sa kanya.

"Ganun talaga kuya kapag may anak na." Sinabayan ng mahinang tawa.

Nginitian ko lang siya.

"Kamusta kayo ni ate Jona?"

"Eto, masaya kami. Maswerte ako sa kanya. Biruin mo antagal niya akong hinintay." nakangiti kong tugon.

"Oo nga eh." Pagsang-ayon niya. "Masaya ako para sa inyo." Nakangiti niyang sabi.

"Kailan kayo gagawa ng magiging kalaro ng baby Rhianne ko?" Segundang tanong niya.

"Yun nga, mababa kasi matres ng ate mo. Pero di kami sumusuko. Pasasaan ba't magkakaanak din kami." Sagot ko.

Tumango lang siya.

"Mabuti nga nahiram ko si baby sa mommy niya. Ayaw pumayag noong una kaya nagpatulong ako kay Jessica. Ayon pumayag din."

"Mabuti kung ganun.. para makita din nila lola ang apo nila sa tuhod." Wika ko.

Naikwento noon sakin ni Jake na hindi nagworkout ang relasyon nila ng mommy ni Rhianne.

Katahimikan.

"Parang kailan lang ano?" Wika ko na nakangiti habang nakatingin sa mga batang naglalaro.

Tumingin siya sakin at lumingon din ako sa kanya.

"Oo nga, andami nang nangyari sa mga buhay natin." Tugon niyang nakangiti pa din. Ngiting kulang. Ngiti ng kalungkutan.

Kinabukasan ay napagpasyahan naming magpipinsan na pumunta sa falls na pinupuntahan namin dati.

Naglalakad kami noon at napadaan sa lupain ng lolo at lola. Kung saan pinangarap namin ni Jake na pagtatayuan ng bahay namin na magkatabi.

Masaya kaming magpipinsan na nagkukwentuhan habang naglalakad.

Natahimik ako nang napadako ang tingin ko sa mismong parte ng lupain kung saan nagsimula kami ni Jake mangarap.

Mediyo nakaangat ito sa kapatagan at may matatayog na kawayan. Yun ang spot na pinili ko upang pagtayuan. Yung spot naman ni Jake ay hindi kalayuan, katabi naman ng puno ng mangga yung sa kanya. Mula sa lugar na yon matatanaw mo ang malawak na dagat.

Napabaling ang tingin ko kay Jake, na noon ay nakatingin din sa akin. Nasilayan ko ang lungkot doon.

Inilayo ko na lang ang tingin sa kanya at pilit na humabol sa kwentuhan ng ibang pinsan.

---

Kinabukasa'y dumalaw kami sa kilalang lighthouse ng probinsiyang yon.

Buong kamag-anakan kaming nagpunta doon.

Katulad ng dati, napakasarap parin sa feeling kapag nagtutungo doon. Iba't ibang sceneries ang masisilayan mo. Sariwang hangin na dinadala ng alon sa dalampasigan. Mga rock formations at iba pa.

Dumaan din kami sa part ng zigzag road. Kung saan naging bahagi narin ng alaala ko kasama si Jake.

Nang makarating kami sa mismong lighthouse halos hindi magkandaumayaw ang iba sa kakakuha ng picture. Yung iba sa kanila ay nagpictorials sa malapit sa bangin kung saan tanaw mo ang islet sa di kalayuan. Habang kaming magpipinsan ay napagkasunduan naming akyatin ang lighthouse.

Ipinaubaya muna ni Jake si Rhianne kay Jessica.

Apat kami ni Paul, Don at Jake na sabay-sabay umakyat. Nang marating ang pinakatuktok. Walang pagsidlan ng saya ang dalawang pinsan namin. Halos mapatid na ang mga litid kakasigaw dahil sa saya.

Mayamaya ay salitan na silang magpikyuran. Habang kami ni Jake ay tahimik lang na nakamasid sa malawak na karagatan. Kalahating metro ang layo niya sa akin.

Salitan kami ng sulyap sa isa't isa. Bagamat hindi naman kami magkagalit, hindi ko maipaliwanag kung bakit parang may balakid para makapag-usap kami ng normal.

Marahil siguro ay naging bahagi at saksi ang lugar na yon sa masasayang nakaraan namin ni Jake.

Halos sabay din kaming napabuntong-hininga na naging sanhi ng pagsalubong ng mga mata namin. Bahagya akong natawa na sinundan niya rin ng tawa.

"Nakakamiss dito kuya no?"Aniya

Tumingin siyang nakangiti. Ngunit mababanaag mo sa mata niya ang lungkot.

Naalala ko yung huling punta namin. Sabay naming pinagmamasdan ang tanawin habang nakayakap siya sa akin.

'Oo lecheka! Nakakamiss ka' sa isip ko.

Nakaramdam ako ng labis na pangungulila at ibinaling ang tingin sa parteng hindi nakikita ni Jake ang mga mata kong nalulumbay.

Saka kami tinawag ng dalawang tukmol para mag pictorials.

---

Kinabukasan.

Nagtungo kaming magkakamag-anak sa beach ng isa pa naming lola. Yun ang pinaka-araw ng reunion.

Abala ang lahat sa kanya-kanyang gawain. Yung iba ay naghahanda ng makakain. Ang mga makukulit na bulinggit ay naglalaro ng buhangin sa tabing dagat. Yung mga teenager ko namang mga pinsan ay nagba-volleyball.

Heto kaming tatlo ni Paul at Jake ang nakatoka sa paggi-grill.

"Maiwan ko muna kayo saglit, kukuha lang ako ng beer para sa ating tatlo." Ika ni Paul

Mas masarap nga namang uminom habang nag-iihaw.

Kaya naiwan kaming dalawa ni Jake. Pinapanood niya akong nagpapaningas ng uling. Nang makita kong bumabaga na ito, marahan ko itong pinaypayan.

"Ako na magpaypay kuya." presenta niya.

"Sige lang.. ako na Jake. Di ka marunong nito" Tanggi ko.

"Sige na, pasubok lang."

"Ako na nga!" Patuloy kong pinapaypayan.

Dahil matigas ang ulo niya. Pilit niyang inagaw ang pamaypay, na sakto namang nahawakan niya ang kamay ko. Kaya napatingin ako sa kanya. Nang makaramdam ako ng pagkailang, agad kong binawi ang kamay ko at ipinaubaya sa kanya ang pagpapaypay.

Hindi naman sa iniiwasan ko siya totally. Ang iniiwasan ko lang ay madikit sa kanya, napupukaw na naman kasi ang damdaming pilit kong kinakalimutan.

---

Mabilis na kinain ng dilim ang kanina lang ay kulay-kahel na kalangitan. Nagsimula na ring magningning ang animo'y nagyayabangan na mga bituin. Ang kalahating imahe naman ng buwan ang siyang nagbibigay liwanag sa bahaging iyon ng buhanginan kung saan ako nakahiga upang pagmasdan ang ganda ng kalawakan.

Mediyo nagpakalayo-layo ako sa kanila upang mapag-isa.

Ang kanang kamay ko ay mag tangan na isang bote ng beer. Habang yung kaliwa ay nagsisilbing unan.

Habang nakatingin sa kalawakan naaninag ko sa gilid ng mata ko ang papalapit na si Jake. May hawak din siyang bote ng beer.

Nang marating niya ang pwesto ko ay tahimik itong umupo.

"Kanina pa kita hinahanap, sabi ko na nga ba nandito ka lang." Sinundan ng paglagok ng beer.

"Ang ingay kasi dun, kaya lumayo muna ako." Sagot ko. Saka pumuwestong paupo. "Bakit mo nga pala ako hinahanap." Segunda ko.

Hindi muna siya umimik.

Maya-maya'y...

"Iniiwasan mo ba ako kuya?" Malamig ngunit mabigat ang dating ng tono niya.

"Tingin mo ba iniiwasan kita?" Balik tanong ko sa tanong niya.

"Tingin ko lang." Tipid niyang sagot.

"Hmmm... well. Hindi naman sa ganoon. Sabihin nalang natin na... dumidistansiya lang ng konti... Alam mo naman siguro ang dahilan no?."

Nagkatinginan kami saglit.. at sabay ding binawi.

Katahimikan.

Nag-isip ako ng paraan kung paano siya kakausapin ng maayos. Gusto ko ring magkaayos kami bago ako bumalik ng UAE. Yung maibalik man lang namin yung dati naming pinagsamahan bilang magpinsan.

"Okay ganito nalang, since napapansin kong hindi tayo kumportable.. at ayoko rin namang masayang ang pinagsamahan natin.. mag jack n' poy nalang tayo. Kung sino ang talo siya ang unang magsasalita... game ka?" Wika ko.

"Uhmmm.. sige." Pagkukumbinse siya sa sarili.

Jack N' poy... talo siya

"Miss kita." Sabi niya.

Napatawa ako na nailang ng bahagya. Napailing ako.

"Isa pa!"

Jack N' poy.. talo ulit siya.

"Ma... ma... mahal pa rin kita!"

Nawala ang ngiti ko at umiwas ng tingin sa kanya.

"Totoo!" Dugtong niya.

Tumungga ako ng beer at tumango-tango.

Alam ko naman na pareho parin kami ng nararamdaman.

Kagaya nga ng plano ko.. lilinawin ko na kung ano ang meron kami. Ngunit hindi ko aalisin sa utak ko na hindi na maaaring bumalik ang dati dahil may asawa na ako.

Humugot muna ako ng lakas at nagsalita.

"Actually...Ako din naman..." nakangiti akong tiningnan siya sabay bawi at muling uminom ng beer.

"Pero alam naman natin pareho ang sitwasyon natin Jake. Matatanda narin tayo.. maaaring mahal nga natin ang isa't isa, pero alam naman natin na hindi na maaari to diba?. May asawa na ako at magkakaroon ka din balang araw"

Tumango lang siya.

"I'm sorry..." huminto muna siya at uminom ng beer. "Sorry sa nagawa ko."

Nagkatitigan kami ng mga limang segundo. Sa loob ng limang segunda na yon, tanging mata lang namin ang nag-uusap.

Yumuko ako.

"Akala ko din nawala na yung nararamdaman ko sayo... pero.. pero etong muli kitang nakita. Bumalik lahat sa akin. Pati ung kirot... alam mo yon?.." huminto muna ako saglit. "Paki-explain nga sakin Jake kung anong meron sayo at bakit minahal kita ng ganito." Mangatal-ngatal na ang boses ko.

"Maging fair ka naman sa akin kuya.. yan din naman itatanong ko sayo.. hindi ko rin alam kung anong meron tayo. Kung bakit hanggang ngayon nandito ka parin.." sabay turo sa dibdib niya. "Ikaw mag explain.. ikaw ang Kuya." Pagdidiin niya.

Sa halip ay maluha, natawa nalang ako.

"Bakit nga ba?.." pailing-iling kong sabi.

Katahimikan..

"Okay! ganito na lang.. iwasan mo akong lambingin.. susubukan kong maging okay na tayo.. Ako pa rin ang Kuya at ikaw bunso... gaya ng dati.. okay ba?"

Tahimik siyang tumango. Maya-maya'y..

"Eh yung.. kiss.. pwede pa ba?" Tanong niya.

"Hindi na." Tugon ko.

Yumuko siya.

"Yakap?." Ngumiti siyang tumingin sakin.

Napangiti ako.

"Pag-iisipan ko pa.." tumawa ako.

"Daya nito."

"Oi.. oi.. kakasabi ko lang ah."

"Oh siya! Siya!" Aniya.

"Yung I love you?!" Pangungulit niya.

Napangiti ako.

"Pwede.. pero bilang kuya mo."

"Okay!..." tango-tango siya.

"Eh di,.... I love you Kuya!" Nakangiti siyang tumingin sakin.

"Hahaha baliw.."

Nagkunwari siyang malungkot dahil hindi ko sinagot I love you niya.

"Shhsss! Oo na.. oo na! I love you too!.. BUBOY!.. hahaha baliw!"

Diniinan ko ang salitang BUBOY.

Ngumiti naman siya.

"Nakapag-isip ka na ba?" Tanong niya.

"Nang alin?" Taka kong tanong.

"Yung tungkol sa yakap."

Natawa ako.

"Gusto mo ba talaga? Ha?!" Pang bubuska ko.

"Oo naman."

"Gusto mo ha? Ha?"

"Oo nga!"

Itinabi ko muna ang bote ko.

"Ahh gusto mo talaga ha.."

Mabilis ko siyang tinulak pahiga at nilundagan. Niyakap nang mahihigpit. Gumanti rin siya ng yakap.

Nang makaramdam na ako ng contentment ay kiniliti ko siya ng buong pwersa. Tawang tawa siya.

"Eto gusto mo to?" Tukoy ko sa pangingiliti sa kanya.

"Opo koya!"

Pagulong-gulong na kami sa buhanginan.

Tawanan. Di ako tumigil sa pangingiliti.

"Gusto mo pa?"

"Ahh.. sige pa koya!"

Tumigil ako at hinampas ko siya sa braso ng mahina, dahil yung pagkakasabi niya ay parang umuungol, na sa dalawang tao lang na nagse-sex mo naririnig.

Bumalik ako sa pagkakaupo na mangiti-ngiti.

"Adik ka talaga!!" Matawatawa kong sabi sa kanya.

Bumangon siyang hinihingal dahil sa katatawa.

Sa pagkakataon na yon, kahit hindi man masiyadong malinaw ang naging usapanan namin tungkol sa nararamdaman namin sa isa't isa. Alam kong pareho kaming masaya. Alam kong dadating ang araw na pareho naming matatanto kung ano talaga ang meron sa amin.

Isang bagay ang alam kong hindi mawawala sa amin kahit ilang taon pa ang lumipas. Yun ay ang BOND. Na lalong pinagtibay ng panahon. Na hindi kayang tibagin ng kahit ano mang unos.

Ang pagmamahalan namin kailanman ay hindi masusukat. Love is caring. Love is seeing someone happy. Love is understanding. Love is contentment. Love will never ask something in return. And true love will always be remembered.

Pareho naming babaunin ang masasayang alaala hanggang sa pagtanda. At ang pangakong hindi kailan man malilimutan.

W.I. Walang Iwanan.. hanggang sa huling segundo ng aming buhay.

----

Sa kasalukuyan...

Patuloy pa din ang pagiging close namin ni Jake. Lagi kaming nagkakamustahan kahit na madalas ay out of the country ako. Sa tuwing nagbabakasyon naman ako ay hindi pwedeng wala kaming bonding.

Hindi na nag-aral pang muli si Jake. Pero maganda na ang sitwasyon niya sa company na kung san siya nag tatrabaho. Nasa supervisory level na siya. Nabanggit niya ring mag-aaral ulit siya habang nagtatrabaho. May kinakasama na din siya ngayon at masayang masaya sila. Hindi magtatagal ay magpapakasal na rin.

Ako naman ay kasalukuyang nasa ibang bansa. Habang nasa pinas naman si Jona, busy sa pag-aalaga kay Baby Rye. Yup! Nagkaanak na rin kami sa wakas.

At yung usapan namin ni Jake na magpapatayo ng magkatabing bahay? We are still dreaming of having it done. Pinag-uusapan pa din namin and one day matutupad yun.

Hanggang dito nalang.....

Salamat sa pagsubaybay ng kwento ko at ang kwento ng Pinsan Kong Inosente na si Jake.

-----------WAKAS----------

A/N:

Maraming salamat sa matityagang nagbasa ng story ko at sa mga readers na naging kaibigan ko. Kayo ang patuloy na nagmotivate sakin para ipagpatuloy ito. MARAMING SALAMAT!

Pasensya na kayo kung mediyo nawala yung spark or emotion ng last 2 chapter. Antagal ko kasing hindi nakapag sulat. Ilang taon din. Dahil dun nawala ako sa momentum.

Masaya pa rin ako at nabigyan ko ng wakas ang story. Para narin sa ikatatahimik ng ibang affected na readers sa katatanong kung ano ang nangyare after ng Chapter 9.

Hanggang sa muli!

Paalam!

PS: let me know kung ano masasabj niyo sa ending.


Please leave a comment.


コメント


Never Miss a New Post.

Connect With Us!
  • Facebook
  • Instagram
  • Twitter
Subscribe Now!

Thanks for subscribing!

RyanTime01

Ryan Time 01 (1).png
©2021 By Ryan Time01©
bottom of page